Wednesday, April 30, 2008

"Thank you, Thank you...ANG BABARAT NINYO THANK YOU"

L imang tulog nalang at pasko na. Nakabili ka na ba ng mga pangreregalo mo? ako hindi pa, pero may listahan na ako at mamaya magpupunta ako ng mall para magbutas ng aking bulsa. Ako ang tipo ng tao na hindi na umaasa na may magbigay pa sa akin ng regalo pabalik, pero kung mayroon man magbibigay, syempre tatanggapin ko at matutuwa. Naalala ko pa noong bata ako, palagi nalang akong umiiyak tuwing sasapit na ang pasko, bakit? ikaw ba naman ang mamatayan ng mga ninong at isa nalang ang matira sa iyo hindi ka iiyak? Ang halos nagsilbing ninong ko nalang noon ay ang tatay ko, bukod dun sa isa pang natira, yung kapatid ng nanay ko na hanggang ngayon ay nandyan pa din. Isang dahilan kaya ako naiiyak ay dahil tuwing nireregaluhan ang katapid ko ng mga ninong niya ay tuwang tuwa siya, habang ako naman ay nasa sulok ng sofa nalang at nanonood kung paano siya nagagalak sa mga natatanggap niya, hanggang sa mapapansin ko nalang na tumutulo na pala yung luha ko, pakiramdam ko kasi noon na parang walang nagmamahal sa akin, bata pa kasi ako noon, grade school student pa lang. Kapag nakita na ako ng tatay kong umiiyak ako, aamuhin na ako nito at bibigyan ako ng regalo para mahimasmasan ako. Dun palang ako matitigil kakahikbi at magiging masaya. Salamat Daddy! Almost 6 years ka na rin naming hindi nakakasama.I really miss you! Madalas din tuwing pasko noon ay nagpupunta kami sa mga bahay bahay, kasi yung kalye na tinitirahan namin ay halos magkakakilala ang lahat, kaya kaming mga bata ay namamasko sa kung saan saang bahay, lalo na kay Brgy. Captain na nagbibigay ng mga dalawang pisong papel na kulay bughaw sa mga batang kagaya ko. Swerte ka na kapag nabigyan ka ng tumatagingting na limang pisong papel na kulay berde naman.Bukod pa yun mga pamamasko na yun sa ilang gabing pangangaroling namin kung saan saan.Minsan may nakakasalubong pa kaming mga nagiinuman sa kalye at pakakantahin kami ng kung ano ano tapos ang ibibigay lang pala ay piso.Pero ayos na din yun kaysa wala.Kapag wala naman nagbibigay, kami nalang ang nagbibigay, binibigyan namin sila ng walang kamatayang awitin na "Thank you, Thank you...ANG BABARAT NINYO THANK YOU" sabay takbo!...Natigil lang akong mag-caroling noong mag- High School na ako,siguro 3rd year High School. Iba na ngayon, hindi na ako umiiyak tuwing sasapit ang pasko, kahit sangkatutak pa ang matanggap ng kapatid ko na regalo na galing kung kani-kanino, Kahit wala na ang pangangaroling sa mga iba't ibang bahay at sa mga nakakasalubong na mga lasenggo sa kalye. Siguro ang pinakanakakalungkot nalang na parte ay dahil wala ang tatay ko sa piling namin. Bibisitahin nalang namin ang puntod niya pagdating ng araw ng pasko at pagtitirikan ng kandila at aalayan ng dasal.

No comments: