Sa mga nagdaang araw, ang araw ng martes ang hindi ko makalimutan. Malamang iniisip mo na ngayon kung bakit. Noon, akala ko ang mga Anghel ay yung mga nilalang lamang na galing sa langit at may pakpak. Hindi pala. May mga Anghel din pala na nasa paligid lang natin at hindi natin napapansin, dinadaan daanan lang natin sa kalsada, nakakasalubong sa loob ng mall, sa palengke, sa loob ng simbahan, sa restaurant at kung saan saan pa. Pero naiba ang lahat ng aking paniniwala ng makakilala ako ng isang Anghel na nandito lamang sa lupa. Maraming beses na din akong nakakita ng mga ganitong klaseng Anghel. At hindi si Angel Locsin o Angel Aquino o Angela Velez ang tinutukoy ko dito. Ang aking tinutukoy ay yung mga taong nakilala ko. Mga taong hindi ko akalain na isa palang Anghel na magpapatibok ng puso ko. Anghel ang tawag ko sa kanila, Kahit hindi ko sila ganun kakilala, kahit na saglit palang kaming nagkasama, kahit na sa huli ay pinaiyak nila ako at sinugatan ang aking puso. Noong Martes ay may isang Angel na naman akong nakilala, isang Anghel na nagbuhay na naman sa puso kong uhaw sa pag-ibig. Pagkakita ko palang sa kanya, parang tumigil ang lahat ng nasa paligid ko at ang tanging nakikita ko lang na gumagalaw at may kulay ay siya, parang nasa ibang mundo ako ibang dimensyon, huminto ang oras. Pero bumalik ang lahat sa normal at bumilis ulit ang oras ng nasa harapan ko na siya at nagbikas ng salita. Bakas sa mukha ko ang sobrang galak sobrang saya..."Haaaayyy isang Anghel na naman..." sabi ko sa isip ko. Sandali lang kaming nagsama ng Anghel, halos 3 oras lang, pero kakaiba talaga ang pakiramdam kapag isang Anghel ang kasama mo. Naguumapaw ang saya, kahit saan ka magpunta ay parang may orkestrang tumutugtog at may iba pang mga Anghel na nagkakantahan sa hindi kalayuang distansya. Lahat kumpleto, walang problema, magaan ang pakiramdam at parang nakalutang ka sa mga ulap. Yun ang mga naramdaman ko sa mga oras na yun, kagaya din noong mga naramdaman ko sa iba pang mga Anghel na nakilala ko noon pa. OO, baliw na naman ako, kung ano ano na naman ang nakikita ko, kung ano ano naman ang naiisip ko at kung ano ano na naman ang nararamdaman ko kahit na alam kong hindi totoo yun at nilikha ko lang ito sa isip ko. Siguro ganun talaga ako kapag nakakaramdam ako ng matinding kasiyahan at kahit wala naman ginagawa sa akin ang sinasabi kong Anghel ay masaya na ako.Kahit hindi ko pa siya ganun kakilala, kahit na hindi ko alam kung saan kami tutungo, kahit na hindi ko alam kung anong nararamdaman niya para sa akin, kahit na alam kong maaring yun lang ang una at huli naming pagkikita masaya pa rin ako. Pero kung minsan, nakakalungkot din kapag naiisip ko siya, kapag naalala ko kung paano siya magsalita, ang boses niya ang mga magaganda niyang mga mata, ang paano siya maglakad, kung paano niya ako pinasaya kahit hindi niya alam na napasiya niya ako. Nakakalungkot dahil sa ngayon hindi ko alam kung makikita ko pa ba siya, makakasama ko pa ba siya ng mas matagal pa sa halos 3 oras. Hindi ko alam kung kanino ko kukunin ang mga sagot, oras at panahon lang ang makakapagsabi sa akin. Kung nasaan man siya ngayon, sana ay nasa mabuti siyang kalagayan, sana marami pa siyang mapasaya, sana iniisip din niya ako kahit paminsan minsan, sana magkita pa ulit kami at sana sa susunod naming pagkikita siya naman ang aking mapasaya. At kung hindi man mangyayari ang mga inaasahan ko. Sana makita ko nalang siya kahit sa panaginip lang. Dahil yun nalang ang natitirang paraan para makasama ko ulit ang isang Anghel na katulad niya.
No comments:
Post a Comment