Sa tingin ko, isa na sa pinakamagandang pag-aari ng isang tao ay yung hawak niya ang sarili niyang oras. Malaya siyang gawin ang gusto niya, makakapunta sa kung saan saan at makamit ang mga pangarap niya. Ngunit hindi lahat ng ito ay maaring makasatuparan, dahil parte na ng buhay ng tao na may palaging bumabalakid sa oras niya, hindi ko masasabing sagabal, ngunit may pumipigil o pipigil upang hindi niya magawa ang gusto niya. Maraming posibleng sanhi, gaya na lamang ng kalikasan, sakit, kahirapan, kawalan ng lakas ng loob. Kay dami kong gustong gawin sa buhay, gusto kong mag-pinta mula sa maliit na pirasong canvas hanggang sa naglalakihang mural, hilig ko ding kumanta sa harap ng maraming tao kasama ng aking banda, umarte sa teatro, gusto ko ding gumawa ng sarili kong komiks, gusto kong lumawak ang kaalaman ko sa Computer Graphics at higit sa lahat, gusto kong mapabilib ang mga tao dahil sa aking kakayahan. Sa dami kong gustong gawin, wala akong nasimulan. Bakit nga ba? Dahil siguro iniisip ko gusto ko silang gawin ng sabay sabay? Ano nga ba ang dapat kong simulan? Saan ba ako magsisimula? Paano ako magsisimula…naguguluhan ako…hindi ko alam kung saang daan ba ako dapat tumungo…isang bagay na siguro kaya hindi ko magawa ang mga bagay na ito, ay dahil naiisip ko na kailangan kong unahin ang kumita ng pera. Kailangan ko ito para matulungan ang pamilya ko, ang sarili ko. Kay dami ko ng napasukan ng trabaho, lahat hindi ako tumagal, pinakamatagal ko na yata ay anim na buwan, tinapos ko lang ang kontrata. Napakahirap kong makuntento sa isang lugar, sa isang trabaho, madali akong magsawa, naiinip ako…ako kasi ang tipo ng taong hindi naitanim sa utak na maghanap ng malaking kita. OO mahalagang kumita ng pera, ngunit kung hindi ka naman masaya sa ginagawa mo, wala ding mangyayari sa buhay mo, dapat pantay, dapat masaya ka at kuntento sa ginawa mo, gawin mo kung anong sinasabi ng puso mo, gamitin mo ang kakayahan mo. Madalas kong naiisip na dapat mahalin mo ang trabaho mo, ngunit hindi ka nabuhay para magtrabaho, nagtatrabaho ka para mabuhay…mahalin ang trabaho ika nga, MAHALIN ANG TRABAHO!!! Ngunit paano naman ang sarili mo? Paano naman yung gusto mong gawin? …MAGSAKRIPISYO, MAGSAKRIPISYO, MAGSAKRIPISYO!!! Magsakripisyo para sa ikakasaya ng iba, sa ikagaganda ng buhay ng pamilya mo…AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHH!!!!! Naalala ko tuloy yung nabasa ko noon sa isang forum ng mga Artist…sabi nung isa, na mabuti daw ay kinuha nya ay Major in Business at hindi Fine Arts, dahil sa ngayon hindi siya nagsisi dahil nagagawa naman niya pareho, may negosyo sya habang nakakapag-pinta…parang naisip ko tuloy, sana pala B.A. nalang din ang kinuha ko…HINDI, HINDI, HINDIIIIIIIII!!!! Tama ang pinili kong kurso, eto ako, pinanganak ako para sa larangan ng sining, pinanganak ako upang iguhit, ipinta at isulat ang nararamdaman ko, naiisip ko at mga ideya ko. Hindi ko alam kung totoo yung kwento na ito, ngunit naalala ko lang, si Dong Abay ng banding YANO, halos tatlong taon siyang nagkulong sa kwarto, wala na akong pakialam kung adik siya o kung sira ulo man siya…ngunit ang nakapagpalabas lang daw sa kanya ng kwarto ay ang bata niyang pamangkin, sabi sa kanya, “ diba singer ka? Bakit ka nandyan sa kwarto at hindi ka kumakanta? “ naisip niya siguro na OO nga, bakit nga ba ako nagkukulong dito? Wala naman nangyayari sa akin…ayun lumabas siya ng kwarto at nagsimulang bumuo ulit ng banda PAN yata ang pangalan ng band nya noon. Tamad lang ba ako? O walang lakas ng loob? O kailangan ko ng isang tao para mag-udyok sa akin na GAWIN MO TO! GAWIN MO TO! IKAW YAN! PAKITA MO KUNG SINO KA! PAALAM MO SA LAHAT NA ETO KA! Bakit ba ako nasa Call Center ngayon? Bakit ko ba natitiis na tumanggap ng tawag sa telepono ng buong araw upang marinig ang mga reklamo at problema ng kung sino sino at halos lahat ng sisi ay ibubuhos sa iyo, mumurahin ka pa minsan kung mamalasin…? Pwes sasagutin ko sa iyo…Una, dahil kailangan mong kumita ng pera, pangalawa, dahil wala kang mapasukang trabaho na linya mo na malaki ang sahod, pangatlo, naiisip mo ang pagtulong sa pamilya mo…bumabalik lahat sa salitang SAKRIPISYO! Aminin mo man, hindi ka na masaya sa ginawa ko, hindi ka na masaya sa trabaho mo, hindi ka na masaya kahit mas malaki ang kinikita mo kaysa noon…Sarili o Pamilya? Mamili ka? Pasensya na Bert, sa ngayon hindi mo muna magagawa ang gusto mo, kailangan mo munang magsakripisyo, hayaan mo, balang araw, magagawa din natin yan…magpipinta din tayo sa malaking canvas, guguhit ng isang komiks, kakanta sa harap ng tao, o di kaya ay aarte sa entablado…konting tiis lang muna, makakaraos ka din, kaya kung ako sa iyo, matulog ka na at may pasok ka pa mamaya…magpahinga ka na, pagod ka lang kaya masama ang loob mo…pagod ka lang…pagod ka lang.
1 comment:
Alam mo kailangan mo? Pamangkin.
Post a Comment