Wednesday, April 30, 2008

EVERY PEKLAT HAS ITS STORY

Naniniwala ako na lahat ng tao may peklat, Iba't ibang klaseng peklat. May peklat na maliit, may peklat na malaki, may peklat na kulay pula, may maitim, may puti, may nakaumbok at ang karaniwang peklat, ang makintab na peklat. At naniniwala ako na ang bawat peklat sa ating katawan ay may nakalaan na istorya. Peklat na magpapaalala sa atin ng nakaraan, Peklat na makakapagpaalala sa atin na minsan naging tanga din tayo. Peklat na makakapagpaalala sa atin ng matinding aksidente at peklat na makakapagpaalala sa atin ng isang pangyayari na ayaw na nating maalala.
Bata palang ako may peklat na ako sa ulo ko, Grade school ako noon, naalala ko pa kung bakit ko nakuha ang peklat sa ulo ko. May alaga kasi kaming aso na si Daisy, ordinaryong aso lang si Daisy, medyo malaki, pero askal lang, matatalim ang kanyang mga kuko, malalaki ang pangil at nakatali siya sa kanyang kulungan na yari lamang sa mga lumang kahoy at gamit na yero. Isang araw habang naglalaro ako sa bakuran namin, naisipan kong sundutin ng isang hibla ng walis ting-ting ang butas ng tumbong ni Daisy, hindi ko naalala na wala pala siya sa pagkakatali niya noon at hindi ko din napansin na bumubungisngis na pala siya, senyalis na galit na siya. Patuloy pa din ako sa pagsundot ng kanyang pwet, gamit ang hibla ng walis ting-ting ng bigla na lamang niya akong sinunggaban, bumaliktad ako sa aking pagkakatayo...Yun na lang ang huli kong naalala dahil nawalan daw ako ng malay. Nalaman ko nalang na may sugat pala ang ulo ko at ang kwento sa akin ay patuloy daw ang pag-agos ng dugo nito pero napatigil din. Sa awa ng diyos naka-survive naman ako at hindi na kinailangan na dalhin pa ako sa ospital. Mula noon takot na akong lumapit kay Daisy, hindi ko na siya bati, wala siyang pagmamahal na natanggap mula sa akin. Namatay si Daisy mga ilang taon ang lumipas, paniwala namin nilason siya ng isang tarantadong kapit-bahay namin, kasi bumubula nalang ang bibig ni Daisy pagkamatay niya. Ang moral lesson sa story kong ito ay wag mong sundutin ang pwet ng may pwet gamit ang kung ano-anong bagay. At dun ko din natutunan na kapag ang isang aso pala ay bumubungisngis na, ibig sabihin pala nun ay galit na siya at malapit ng manakmal.
PEKLAT: ULO
PINANGGALINGAN: KALMOT NG ASO
May isa pa akong peklat, dahil pa din sa aso, Grade school student pa lang din ako, Grade 6. Sa pagkakataon na ito ay harap harapan naman akong nasakmal sa tenga, muntik ng maputol ang bahagya ng tenga ko noon. Naghaharutan kasi kami ng aso kong si Fudge sa loob ng bahay namin, habang ang buong pamilya ay busy sa panonood ng telebisyon. Si Fudge ang tipo ng aso na mabilis mainis, konting madiinan mo lang ang kanyang katawan ay kakagatin ka na niya, pero marahan na kagat lang, yung may alalay na kagat, hindi masyadong madiin. Pero noong gabing iyon iba ang natanggap kong kagat mula sa kanya, hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa kanya basta bigla na lamang niya akong nilapa. Akala ko noon ay nakaiwas ako sa matinding sakmal niya sa akin. Patuloy pa din ako sa paglalaro ko sa kanya kahit nagulat na ako sa biglaan niyang sakmal. Ilang segundo palang ang nakakalipas ay naramdaman ko na masakit ang tenga ko, hinawakan ko ang aking tenga at nasalat ko na parang basa ito at lalo pang sumasakit, pagtingin ko sa aking mga daliri, puno na ito ng dugo, natakot ako sa aking nakita kaya sinabi ko kaagad sa nanay ko na nakagat ang tenga ko. Dali dali akong bumaba papunta sa kubeta para hugasan ko ito, pero gaya ng natamo kong sugat sa ulo ko, wala din tigil ang pag-agos ng dugo nito, natakot ako kasi baka hindi na tumigil ang pag-agos ng dugo. Sa awa ulit ng panginoong may kapal, tumigil naman ito. Nilagyan nalang namin ng band-aide ang tenga ko pagkatapos linisin ng alcohol at betadine. Nag-keloids na ang sugat, isa na lamang siyang alalaa ng aking aso, isa sa paborito ko pa namang aso si Fudge, kahit na sinakmal niya ako, mahal na mahal ko pa din siya. Ilang taon din kasi kaming nagkasama ni Fudge, binili ko siya sa halagang 100 sa aking kaklase, at hanggang lumipat kami ng bahay kasama ko pa din siya. Kaya talagang iniyakan ko ang pagkawala ni Fudge,"WAAAAAAAHHHH FUDGE KO, FUDGE KO BAKIT MO AKO INIWAN???" yan nalang ang nasabi ko noong namatay siya. Ginupit ko pa nga ang dulo ng kanyang balahibo sa buntot bilang alalaa, pero ngayon hindi ko na alam kung saan ko nailagay yun.
PEKLAT: KANAN NA TENGA
PINANGGALINGAN: SAKMAL NG ASO

Madami pa akong peklat, yung iba dahil sa bubog, sa semplang sa bike at sa kung saan saan pang aksidente. Ikaw i-share mo ang peklat story mo? parang isang larawan din yan na makakapagpaalala sa iyo ng isang pangyayari.

No comments: