Monday, March 09, 2009

Isang maagang pag-gising



Hindi ko na maalala kung kailan yung huling araw na gumising ako ng maaga at ngayon lang naulit. Alas-diyes palang yata ay nakatulog na ako kagabi, hindi ko normal na gawain ang matulog ng ganun kaaga, siguro'y dahil ilang araw na din akong palaging puyat at kulang sa tulog, dagdag na din ang pagod ko sa pagbiyahe mula pasay hanggang dito sa amin. Pagkatapos ko pa lang kumain ng masarap na hapunan ay nahiga na ako sa sofa at mula nun ay tuluyan na akong nakatulog. Naalimpungatan nalang ako bandang alas-tres ng madaling araw dahil may napanaginipan ako at giniginaw, hindi ko naman pwedeng patayin ang bentilador dahil siguradong papakin ako ng mga lamok na uhaw na uhaw sa dugo. Balak ko sanang lumipat sa kwarto kaso puno ng gamit ko yung kama at tinatamad na akong ayusin, kaya naman napagisipan kong kumuha nalang kumot at isang malambot na unan at bumalik sa sofa, hindi nagtagal ay nakatulog ulit ako.

Alas-otso na ng umaga ng maramdaman ko ang dampi ng sinag ng araw sa aking katawan, buong akala ko ay late na ako sa pagpasok sa iskwela ng unti-unti bumalik ang isipan ko sa realidad at namalayan na hindi na nga pala ako pumapasok at tapos na ako sa pag-aaral. Medyo pinagpapawisan na din ako at nakakaramdam ng gutom, pakiramdam ko din na ang baho na ng hininga ko at ihing ihi na, kaya hindi na ako nag-dalawang isip at bumangon na ako. Pagkatapos kong umihi ay humarap ako sa salamin, dalawang hinog na tigyawat na naman ang bumati sa akin ng magandang umaga kaibigan, kung kumikita lang ako ng pera sa bawat tigyawat na lumilitaw sa akin ay malamang napakayaman ko na. Inis na inis kong hinilamusan kaagad ang aking mukha at nagsipilyo. Bigla kong napansin na parang ang tahimik ng bahay, "ako lang bang mag-isa dito?" tanong ko sa sarili ko, pagtingin ko sa kwarto ng nanay ko ay wala sya doon, "mag-isa nga lang ako". Tiningnan ko kung mayroon almusal at napangiti nalang ako ng makita kong mayroon sa akin tinirang sinangag na kanin, itlog at 2 pirasong luncheon meat. Kumain kaagad ako at habang kumakain ay iniisip ko kung ano bang magandang gawin ngayon araw na ito, siguro mabuti pa'y mag-linis nalang muna ako ng bahay. Nabusog naman ako sa almusal kong kinain, nilagay ko nalang muna sa lababo ang pinagkainan ko at pinatampimla ang sarili ko ng isang tasang mainit na kape at tsaka nag-yosi sa likod bahay.

Paborito kong tumambay sa likod ng bahay namin sapagkat doon ay malamig ang simoy ng hangin at malilim kapag umaga. Madami dami na naman ang mga tuyong dahon na nalaglag mula sa puno ng mangga at abukado kaya matapos akong manigarilyo ay kinuha ko ang walis tingting at nagsimula ng magwalis, inipon ko ito at tsaka sinigaan. Ang gandang pagmasdan ng usok na sumisiksik sa pagitan ng mga dahon ng puno, para itong kaluluwa ng mga tuyong dahon na dumadalaw sa iba nilang kasamahan na naiwan pa sa sanga ng puno. Pagkatapos nun ay nagsimula na akong maglinis sa kwarto hanggang umabot ako sa sala, maliit lang naman ang bahay namin kaya hindi mahirap maglinis at mabilis din akong nakatapos. Pagtingin ko ng oras ay alas-diyes pa lang, natutuwa ako dahil sa sandaling oras na yun ay mayroon na kaagad akong natapos, ang sarap sarap ng pakiramdam. Mamayang hapon, kapag may tubig na ay papaliguan ko naman ang dalawa naming aso na sobra ng baho dahil ilang linggo ng hindi naliligo.

No comments: