Wednesday, November 18, 2009

Masikip Sa Dibdib

Isa na siguro sa pinakamahirap na tanggapin sa buhay ng tao ay ang mawala ang iyong pinakamamahal, lalo na kung madami na kayong pinagdaanan at masasayang ala-alang pinagsamahan at biglang sa isang iglap ay mapapawi ang lahat. Napakaraming dahilan ng paghihiwalayan, may mababaw at mayroon din malalim, base sa aking mga naririnig, nangunguna na siguro sa listahan ng mga dahilan ng paghihiwalayan ay ang pagkaka-roon kabit o kung tawagin ay "Third Party" o kung minsan ay nawawalan na ng interest sa kanyang kasintahan at napupunta na sa ibang tao. Nakakabaliw, hindi ka patutulugin, nakakamaga ng mga mata at nakakawalang ganang kumain kapag "broken hearted" ka, dahil napakabigat sa dibdib ang hinanakit na iyong dinadala.

Kakaiba ang nangyayari sa isang taong sawi sa pag-ibig, mayroon naglalasing at nilulunod nalang sa alak ang mga dinaramdam, mayroon din nagkukulong nalang sa bahay at ayaw lumabas at makipagusap sa iba, nagpapalit ng phone number o sim card, dini-delete ang account sa mga networking sites, may nagpapatattoo, nagiging pala-dasal, mainitin ang ulo, nagda-drugs, madalas naman sa babae ay nagpapa-ikli ng buhok at sa mga lalaki naman ay tinutubuan na ng balbas dahil wala ng pakialam sa sarili at kung ano ano pa.

Mayroon mga paraan upang madaling mabawasan ang bigat sa dibdib kapag ikaw ay sawi sa pag-ibig, una na dito ay ang pagtanggap sa sarili na wala na ang iyong pinakamamahal, mahirap man gawin ngunit kailangan. Kung malapit ka sa mga magulang mo at kaya mong sabihin sa kanila ang ganitong klaseng problema, gawin mo, siguradong papayuhan ka nila o di kaya naman ay manghingi ka ng payo sa mga malalapit mong kaibigan, may mga bagay silang alam tungkol sa iyo kaysa sa mga magulang mo at pwede ka pa nilang samahan gumimik at magsaya. Kung tanggap mo na ang lahat, unti-unti kang makipagkilala sa ibang tao at malay mo may makilala kang higit pa sa una mo.

Thursday, November 05, 2009

Mali ba ang magtiwala kaagad?

Pauwi na ako noong isang araw at nakasakay sa bus, ako lang ang tanging pasahero nung sumakay ako sa bus, ngunit pagdating sa bus station ay napuno ito kaagad at isang babae ang tumabi sa akin. Gaya ng marami ay mahilig din akong gumamit ng cellphone habang bumabyahe at habang nagtetext ako ay biglang tinanong ako ng babaeng katabi ko...

Babae: SUN ba ang gamit mo?

Ako: aah..OO (nagtaka kung bakit ako tinanong)

Bababe: Pwede bang makitawag?

Ako: ah-eh...(nagaalinlangan), Naka-unlitxt lang kasi ako eh, tsaka yung pantawag ko per-minute lang.

Babae: Ah OK, lowbatt na kasi yung cellphone ko eh, OK lang ba sa iyo kung siya nalang ang patawagin ko?

...kapal naman ng mukha nito sa isip isip ko, ayokong pagamit tong phone ko sa kanya, mahirap na...

Ako: ahhh..ehhh kasi ginagamit ko pa eh.

Babae: Saan ka ba bababa?

Ako: sa TRINOMA.

...hindi na nagsalita yung babae at nagtext nalang ako ulit habang pinakikiramdaman siya sa tabi ko, mukha naman disente yung babae at maya-maya ay nakita ko siyang naglabas ng isang plastik na folder na puno ng papel, nasipat ko yung nakasulat sa isang papel "APPLICATION FORM" , kaya naman naisip ko na baka naghahanap ng trabaho. Gusto ko din naman siyang tulungan, ngunit sa isang banda ay naisip ko din na sa panahon ngayon ay mahirap ng magtiwala kaagad sa taong hindi mo naman kilala, kaya tinanong ko na din siya...

Ako: Urgent ba yung tatawagan mo?

Babae: Ahhmm...may kukunin kasi ako na...(hindi ko maintindihan yung sinabi). Eh baka isipin niya hindi ako makadating, lowbatt na kasi yung cellphone ko.

...talagang kailangan banggitin pa niya ulit na lowbatt yung cellphone niya...

Ako: eh kung gusto mo i-text mo nalang siya oh (sabay pakita ng cellphone ko).

Babae: (medyo nag-isip) Oh sige...(tsaka kinuha ang cellphone ko para magtext)

...hindi ko makita kung ano yung itina-type niya at nakakahiya din naman kung mahuli niya akong nakatingin, naisip ko na babasahin ko nalang sa sent items kung sakaling hindi niya ito mabura. Nakakatakot lang na baka mamaya ay kung saan pala niya gamitin yun, malay ko ba kung pusher yun ng pinagbabawal na gamot at pati ako ay madamay...ngunit wala pang isang minuto ay...

Babae: Ay wag nalang...(sabay balik sa akin ng phone). Ok lang, wag nalang pala.

Ako: Sigurado ka?

Babae: OO, ok lang wag nalang (nakangiting sinabi). Nasaan na ba tayo? Malapit na ba yung TRINOMA dito?

Ako: aahhmmm...nasa GMA na tayo, Kamuning na, malapit na sa TRINOMA...(mukhang balak yata talagang makitawag).

Babae: Ano bang date ngayon?

Ako: 4...

...Pagkatapos nun ay hindi na ulit kami nag-usap at pagdating ng bus sa trinoma ay bumaba na ako...Paano kaya kung nagtext pala talaga siya at binura lang niya sa sent items yung tinext niya? Paano kung pusher nga pala talaga yun? haaayy...paranoid lang ako, pero mabuti na din talaga ang nag-iingat ngayon, mahirap ng magsisi sa huli, nilulugar din talaga dapat ang pagtulong at kabaitan sa kapwa, dahil minsan baka ikaw ay maging isang biktima.

New Resolution

Noon ay natanong ko ang sarili ko, ano na kaya ang nakamit ko pagdating ko sa edad na 30? at ngayon lang nasagot ang tanong na yun. Aminado ako sa sarili ko na wala pa talaga akong maipagmamalaki, hindi ko makita sa sarili ko kung ano ba ang kaya kong ipagmalaki. Sabi ko noon na dapat nakapag-exhibit na ako pagdating ko ng 30 ngunit hindi natuloy. Noon sabi ko pagtungtung ko ng 30 ay dapat ay naka-bukod na ako sa pamilya ko, ngunit hanggang ngayon ay dito pa din ako nakatira sa amin. Noon sabi ko na dapat pag umabot na ako ng 30 ay isa na akong successful na artist, pero ngayon ay wala man lang akong regular na trabaho o kaya ay negosyo.

Saan ba ako nagkamali? Saan ba ako nag-kulang? Saan ba ako dapat tumungo? Bakit lahat ng ina-aplayan ko ay hindi na sumasagot sa akin, kung mayron man ay dahil gusto nilang ipaalam sa akin na puno na ang posisyon na inaaplayan ko o di kaya ay itatabi nalang muna nila ang resume ko at pag-aaralan. Sumubok akong mag-negosyo ng t-shirt printing, masaya ako at nakabili na ako ng mga kailangan kong gamitin, ngunit sa kasamaang palad ay binaha kami at nasira lahat ng gamit ko at hanggang ngayon ay hindi pa din gawa, kung kailan may mga magpapagawa na sana sa akin. Sinubukan ko din ang talent ko sa music, ngunit hindi din natuloy dahil yung inaasahan kong makakasama kong tumugtog ay hindi na nagpaparamdam sa akin. Halos lahat ay natapos lang sa mga plano.

Diskarte, yan siguro ang kulang sa akin, hindi pa talaga sapat yung mga ginawa ko kaya hindi ako nagtagumpay, siguro dapat mas kapalan ko pa ang mukha ko, dapat ko pang igihan ang pagsisikap, ang pag-titiis, hindi ko makukuha ang tagumpay na hinahanap ko kung kakaawaan ko lang ang sarili ko, hindi siguro masama kung iiyak ko ang mga masasakit na nangyayari sa akin dahil yun lang ang paraan para mawala sa katawan ko ang bigat nasa aking dibdib. Wala na talaga siguro akong dapat asahan kundi ang sarili ko nalang at ilang taong malalapit sa akin na maaari kong hingan ng tulong kung talagang kinakailangan.

Naalala ko tuloy ang tanong ng pamangkin ko sa akin "Bakit hanggang ngayon ay mahirap pa din ang bansa natin?" ang sagot ay "dahil sa katangian ng mga Pilipino" . Ganun din siguro ang dahilan kaya hanggang ngayon ay wala pa din akong nakakamit na tagumpay, dahil sa katangian ko. Ngayon 30 na ako ay dapat makapagsimula na ako ng maganda, dapat ang bawat araw ay hindi nasasayang, simulan ko na dapat sa sarili ko ang pagbabago, dapat itama at ayusin ang mga mali ko noong mga nagdaang taon, mas maging matatag, masinop at kapakipakinabang. Naisip ko lang, dapat siguro yung tinatawag nilang New Year Resolution ay hindi tuwing magsisimula ang bagong taon, dapat siguro tuwing kaarawan ng isang tao, dahil yun ang simula ng panibago niyang buhay.