Gusto kong may isulat sa blog ko ngayon pero kanina pa ako nagiisip at wala pa rin pumapasok sa kukote ko. Ilang araw na din akong wala sa bahay, mula pa noong huwebes ng gabi, ampon na naman ako sa bahay ng isa kong kaibigan na sa katunayan ay nakikitira lang din, kaya parehas kaming ampon. Hindi naman ako hinahanap sa amin dahil sanay na ang nanay ko at kapatid na nag-iistay ako sa ibang bahay. Parehas kami ng kaibigan ko na wala pa ding makuhang trabaho, kaya naman medyo tiis kami ngayon. Kahit panay instant pansit canton at de lata lang ang kinakain namin dito ay wala namang problema, nabubusog din naman kasi kami. Nakakapagsopdrinks din naman kami paminsan minsan lalo na kapag may bisita. Hiraman ng tuwalya tuwing maliligo, share sa sabon, shampoo at toothpaste.Tabing matulog sa sofa o kaya sa komporter. Sa ngayon parehas kaming naghahanap ng pagkakakitaan, bukod sa pag-aaply online ay may isa pa kaming plano, yun ay ang magbenta ng tshirt na sarili namin ang disenyo. Sa ngayon puro disenyo pa lang ang nagagawa, konting panahon nalang siguro at makakapagpa-print na kami ng tshirt at tuloy tuloy na yun, sana lang maging successful at kumita ng malaki para naman makapagipon kami at makatulong sa pamilya...at isa pa, para makapunta kami ng ibang bansa at mameet ang mga baboy sa Hi5 at BC :-)
Habang nagbabrowse naman ako noong isang araw sa net ay mukhang nakasatuparan na ang isa sa hiling ko, sabi ko kasi na sana makakita ako ng art contest at mukhang natupad nga. May nakita ako sa net na isang painting contest ng GSIS, binasa ko kaagad ang rules at requirements para sumali at mukhang pasok naman ako sa banga. Sa april pa ang pasahan kaya madami pa akong oras para makalikha ng isang obra, matagal tagal na din na panahon mula nung huli akong nagpinta. Wala pa akong naiisip na ipipinta sa ngayon, madalas kasi lumalabas lang yung idea ko kapag kaharap ko na ang canvas at hawak ko na sa aking kamay ang brotsa. Ayokong palampasin ang pagkakataon na ito, sayang naman, kung sakaling manalo ako at makatanggap ng premyo na pera, isang tagumpay para sa akin yun at syempre hindi mawawala ang celebration at maglalagay din ako ng pera sa bangko para may ipon ako.
Sana maging matumpay ang lahat ng mga ito, para hindi na kami nakikitira sa bahay ng may bahay, para hindi na kami naghihiraman ng tuwalya, may kanya kanya na kaming sabon, shampoo at toothpaste, may kanya kanya na kaming kama at ibang klaseng pansit naman ang makain namin, yung hindi instant, yung may marami ng sahog na gulay at karne. Kakasabi ko lang kanina na wala akong maisip na isulat para sa blog ko, pero kita mo ngayon, may binabasa ka na.