Noon ay natanong ko ang sarili ko, ano na kaya ang nakamit ko pagdating ko sa edad na 30? at ngayon lang nasagot ang tanong na yun. Aminado ako sa sarili ko na wala pa talaga akong maipagmamalaki, hindi ko makita sa sarili ko kung ano ba ang kaya kong ipagmalaki. Sabi ko noon na dapat nakapag-exhibit na ako pagdating ko ng 30 ngunit hindi natuloy. Noon sabi ko pagtungtung ko ng 30 ay dapat ay naka-bukod na ako sa pamilya ko, ngunit hanggang ngayon ay dito pa din ako nakatira sa amin. Noon sabi ko na dapat pag umabot na ako ng 30 ay isa na akong successful na artist, pero ngayon ay wala man lang akong regular na trabaho o kaya ay negosyo.
Saan ba ako nagkamali? Saan ba ako nag-kulang? Saan ba ako dapat tumungo? Bakit lahat ng ina-aplayan ko ay hindi na sumasagot sa akin, kung mayron man ay dahil gusto nilang ipaalam sa akin na puno na ang posisyon na inaaplayan ko o di kaya ay itatabi nalang muna nila ang resume ko at pag-aaralan. Sumubok akong mag-negosyo ng t-shirt printing, masaya ako at nakabili na ako ng mga kailangan kong gamitin, ngunit sa kasamaang palad ay binaha kami at nasira lahat ng gamit ko at hanggang ngayon ay hindi pa din gawa, kung kailan may mga magpapagawa na sana sa akin. Sinubukan ko din ang talent ko sa music, ngunit hindi din natuloy dahil yung inaasahan kong makakasama kong tumugtog ay hindi na nagpaparamdam sa akin. Halos lahat ay natapos lang sa mga plano.
Diskarte, yan siguro ang kulang sa akin, hindi pa talaga sapat yung mga ginawa ko kaya hindi ako nagtagumpay, siguro dapat mas kapalan ko pa ang mukha ko, dapat ko pang igihan ang pagsisikap, ang pag-titiis, hindi ko makukuha ang tagumpay na hinahanap ko kung kakaawaan ko lang ang sarili ko, hindi siguro masama kung iiyak ko ang mga masasakit na nangyayari sa akin dahil yun lang ang paraan para mawala sa katawan ko ang bigat nasa aking dibdib. Wala na talaga siguro akong dapat asahan kundi ang sarili ko nalang at ilang taong malalapit sa akin na maaari kong hingan ng tulong kung talagang kinakailangan.
Naalala ko tuloy ang tanong ng pamangkin ko sa akin "Bakit hanggang ngayon ay mahirap pa din ang bansa natin?" ang sagot ay "dahil sa katangian ng mga Pilipino" . Ganun din siguro ang dahilan kaya hanggang ngayon ay wala pa din akong nakakamit na tagumpay, dahil sa katangian ko. Ngayon 30 na ako ay dapat makapagsimula na ako ng maganda, dapat ang bawat araw ay hindi nasasayang, simulan ko na dapat sa sarili ko ang pagbabago, dapat itama at ayusin ang mga mali ko noong mga nagdaang taon, mas maging matatag, masinop at kapakipakinabang. Naisip ko lang, dapat siguro yung tinatawag nilang New Year Resolution ay hindi tuwing magsisimula ang bagong taon, dapat siguro tuwing kaarawan ng isang tao, dahil yun ang simula ng panibago niyang buhay.
Photorealism in the Digital Age PDF Download
4 years ago
No comments:
Post a Comment