Tuesday, October 27, 2009

STRICTLY NO ID, NO ENTRY

Marami sa atin ang hindi maitatago na nakapasok na sa isang motel o kung tawagin ng iba ay "Biglang Liko" o kaya "Short-time" o "C.I. (check-in)". Bakit kaya karamihan sa atin kapag narinig ang salitang MOTEL, naiisip kaagad ay PAGTATALIK? Kung magsu-survey ka nga ng 100 tao ay malamang makakuha ka ng 99% na ang iniisip nila ay ganun din, siguro kasi ay natatak na sa isipan natin na doon ginagawa ang mga panandaliang aliw. Napakaraming klase ng motel, may motel na mamahalin, may cheap, mayroong air-conditioned, mayroon din naman electric fan lang, may motel na semento ang ding ding, mayroon din plywood lang at dinig mo ang boses at hiyaw ng mga tao sa kabilang kwarto, may motel na WI-FI ready, may motel na may themes na pwede mong pagpilian depende sa mood mo, may motel na sobrang linis at may mga motel din na madaming ipis at kung ano ano pa. Hindi ko naman sinasabing lahat ng motel ay lugar kung saan nagpupunta ang mga gustong mag-tanggal ng kati, mayroon din naman kasing ilang mga motel na talagang desente at hindi mo iisiping puro ka-imoralan ang ginagawa ng bawat pumapasok dito.

Kamakailan lang ay may napuntahan ako na isang motel/ apartelle, hindi ko na babanggitin kung ano ang pangalan dahil baka ma-demanda pa ako. Dati ko ng nakikita ito at balak subukan ngunit hindi natutuloy, nabanggit din sa akin ng isa kong kaibigan na maganda nga daw doon at mura lang ang presyo, halos bago lang ang motel na ito at mukha siyang disente. Pag-bukas ko pa lang ng pinto ay naramdaman ko na ang lamig ng air-con nila sa lobby, malinis din dito at walang hindi kanais nais na amoy, lumapit ako sa desk upang kumuha ng kwarto, doon palang ay makikita mo na ang mga room rates nila kaya hindi ka na magtatanong ng presyo, matapos kong makapamili ay tinawag ko ang receptionist na babae na daldal ng daldal sa isa pa niyang kasama habang nagsusulat sa mga papel, naka-dalawang beses pa akong nag-excuse sa kanya bago ako bigyan ng atensyon, tumingin siya sa akin ng saglit at tuloy na ulit sa kanyang ginagawa, tinanong nya ako kung ilang oras daw ba, sumagot naman ako, tapos hinanapan niya ako ng ID, sabi ko wala akong ID, tuloy pa din siya sa pagsusulat at sinabing "Hindi pwedeng pumasok kapag walang ID" nagulat ako, kaya tinanong ko siya kung may iba pa bang paraan para makapasok kapag walang ID, wala daw at dapat daw talaga ay mayroon ID, nakakapagtaka at ngayon lang ako naka-encounter ng ganun kahigpit na motel kaya tinanong ko siya kung bakit ba kailangan ng ID? hindi siya kaagad sumagot at biglang sabi niya "COMPANY POLICY SIR" ...magaling na receptionist, hindi din niya sinagot yung tanong ko. Hindi na ako nagtagal at nagsayang ng oras upang usisain pa ang dahilan ng pagbigay ng ID sa kanila, kaya naman umalis nalang ako at nagpunta nalang ulit sa dati kong pinapasukang motel.

Nakakapagtaka, hindi ko lubusang maisip kung bakit ganun sila kahigpit at kailangan pa nila ng ID bago makakuha ng kwarto? may napuntahan na din naman akong motel na naghahanap ng ID pero kung wala kang ID ay isusulat mo nalang ang pangalan mo sa papel. Ano kaya ang purpose ng pagbibigay ng ID sa kanila? Ito ba ay para hindi mo maitago ang tunay mong pangalan kung sakaling mayroon mangyaring hindi kanais nais sa kwartong iyon tutuluyan? Malalaman ba nila kung totoo o peke ang ID ng isang tao? Hay naku, hindi naman eskwelahan o sa isang opisina ang aking papasukan at bakit kailangan pa nila ito, ang masa-suggest ko lang, kung ganun talaga sila kahigpit, mabuti pang magpaskil sila ng "STRICTLY NO ID, NO ENTRY" sa pinto nila para alam kaagad ng tao ang company policy nila.

Thursday, October 22, 2009

ARAW NG PATAY

Nalalapit na naman ang araw ng mga patay at kaluluwa, uso na naman sa TV at sa mga sinehan ang mga nakakatakot na palabas, nandiyan din ang kanya kanyang kwentuhan tungkol sa mga pagpapakita ng mga kaluluwa at kung ano ano pang multo at maligno, maliban lang sa aswang, 'di masyadong patok ito tuwing araw ng patay, tuwing mag-eeleksyon lang madalas itong pinaguusapan, hindi ko alam kung bakit ngunit kadalasan ay ganun. Halos lahat na yata ng nakilala ko ay may kwento tungkol sa multo, kung hindi man sila ang nakaranas mismo ay narinig lang nila ito sa iba pang tao. May iba pa nga akong kakilala na takot makarinig ng mga kwentong multo dahil daw baka mapanaginipan nila ito, mayroon din naman na takot na takot na pero gustong gusto pa din makarinig tungkol dito.

Karamihan sa atin ay takot sa multo, kahit marinig lang natin ang kwento tungkol dito ay kinikilabutan na tayo. Ako mismo ay hindi pa nakakaranas pakitaan ng multo sa buong buhay ko at huwag naman sana dahil matatakutin din ako, baka magtatakbo nalang ako at ma-tae sa takot kung makakita ako ng multo. Sabi nila, ang mga multo daw ay mga ligaw na kaluluwa, mga hindi matahimik, mga kaluluwang hindi pa tapos ang misyon dito sa mundo nating mga buhay at patuloy na nakikihalobilo sa atin. Madalas daw na nakakakita sa kanila ay ang mga taong bukas ang tinatawag na "3rd eye" at maari pa silang makipag-usap sa mga multo.

Sikat na sikat sa mga multo ang tinatawag na "White Lady", madalas ang itsura nito ay mahaba ang buhok, nangingitim ang mga mata, maputla at syempre naka-puting damit, malamang, hindi naman siguro ito tatawagin White Lady kung naka-turquoise blue siya diba? tsaka medyo mahirap bigkasin kung ganon, parang " Natakot ako kagabi dahil may nagpakita sa akin na Tuquoise blue lady..." walang dating kaya dapat simple lang, pwedeng Black Lady na mukhang mas nakakatakot at Red Lady naman na duguan ang damit. Sa lalaki naman mas simple lang, "Lalaking Nakabarong", wala kasing impact kung tatawagin itong White Man, iisipin mo lang na foreigner ito.

Totoo man o hindi ang mga multo ay nakakatakot pa din talaga kapag nakarinig tayo ng kwento tungkol dito, ngunit ang mas pinakanakakatakot ay yung gumawa ka ng sarili mong multo. Basta tandaan, ang araw ng mga patay ay hindi para sa mga nakakatindig balahibong multo kundi para mag-bigay respeto sa mga mahal natin na namayapa na.

Happy Halloween!

Tuesday, October 20, 2009

LRT TRIP

Matagal tagal na din mula ng huli akong sumakay ng LRT at naulit lang ito noong nakalipas na linggo. Masaya ako na nagkararoon ako ng schedule para mag-face painting at dahil malapit sa may Vito Cruz ang venue namin ay minabuting sumakay kami ng LRT. Sinumalan namin ang biyahe mula sa Monumento station, wala masyadong tao ng mapunta kami doon, siguro dahil araw ng linggo. Nakaupo kami kaagad pagpasok namin sa loob ng tren at napansin kong malinis at malamig na pala talaga ang mga tren ng LRT, hindi kagaya noon na kailangan mo pang buksan ang bintana ng tren para makasagap ng hangin dahil talagang maliligo ka sa pawis sa sobrang init.

Masasabi kong malaki talaga ang pagkakaiba ng makikita mo sa paligid kapag sumilip ka sa bintana ng LRT kumpara sa MRT. Kung sa MRT ay makikita mo ang mga nag-gagandahang gusali, malalaking malls at mga sosyal na subdivision, sa LRT naman ay makikita mo ang kabaligtaran nito, maruruming palengke, mga gusali na niluma na ng panahon, mga lumang itsura ng bahay, tagpi-tagping bahay sa squaters area, mga lumang sinehan (kung saan nababalitang maraming milagrong nagaganap) at marami pang kung ano anong luma, kumbaga, dito mo makikita ang isang itsura ng mukha ng Maynila.

Natuwa naman ako ng dumaan na kami sa Luneta Park, natanaw ko kasi yung area ng Luneta kung saan mayroong mga malalaking istatwa ng mga Dinosaurs at yung paborito ko, yung malaki at matabang hippoputamus, kung bakit ko naging paborito yun ay hindi dahil sa mataba ito, kundi dahil nagpakuha ako ng litrato noong bata pa ako doon mismo sa hippoputamus na yun (ipo-post ko yung litrato kung sakaling makita ko pa sya, sana lang ay hindi nasira ng baha). Ang sayang isipin dahil hanggang ngayon ay nandun pa din ang mga higanteng istatwa na yun at napapakinabangan pa din, hindi gaya ng nakakatakot na Metropolitan Theater na akala mo ay haunted building, nakita ko din ito bago kami dumaan sa Luneta. May mga tanong na nabuo sa aking isipan ng makita ko Metropolitan Theater, bakit hindi na ginagamit ang gusali? bakit pinabayaan nalang na mabulok ito?. Kung hindi na siya ginagamit, bakit hindi nalang ito gibain at gawin kapakipakinabang kaysa naman maging isa itong larawan na nakakapanghinayang kapag pinagmasdan.

Dahil sa kakatanaw sa bintana ay muntik pa kaming lumampas sa Vito Cruz station ng kasama ko...well, actually isa lang yun sa mga dahilan, naisipan ko kasing gumawa at magtext ng mga corny jokes sa mga kaibigan ko tungkol sa mga station ng tren, nakakatawa din naman dahil sa sobrang ka-cornihan, gaya nalang ng "Anong station ng LRT ang madalas may nagbabarilan? ...edi BAMBANG!" eto pa "Ano naman station ng LRT ang maraming nakahubad? ...ano pa edi HUBAD SANTOS!" isa pa, "Anong station ng LRT nagkalat ang mga puta? ... edi sa LiberHITAD!" may hirit naman ang mga kaibigan ko " Anong station ng LRT ang maraming nakaluhod? ...edi sa BACLAREN!" eto pa " Anong station ng LRT ang walang makaupo? (very obvious) ...TAYUMAN!" pero ito ang isa sa pinakanatawa ako na hinirit ng isa kong kaibigan sa text "Anong LRT station daw ang maraming sugal? ... ang sagot, edi LOTTOn!" napaisip ako, tangina, kahit kailan hindi nagkaroon ng LAWTON STATION!

Tuesday, October 13, 2009

After Ondoy

Dalawang linggo na ang nakakalipas mula ng dumaan ang bagyong Ondoy na nag-iwan ng malaking pinsala at nagbago sa buhay ng karamihan sa ating mga Pilipino.
Isa ako at ang aking pamilya sa mga biktima ng bagyong Ondoy. Nilamon ng tubig baha ang kalahati ng aming bahay. Halos lahat ng kagamitan namin ay walang nailigtas. Nagpapasalamat nalang kami at sa kabutihang palad ay wala naman nasawi o nasaktan sa amin.

Araw ng sabado, September 26, 2009, tumutulong ako sa aking kaibigan na maglipat ng bahay sa gitna ng kalakasan ng walang tigil na ulan. Isang tawag ang aking natanggap mula sa aking nanay, tinanong nya ako kung maaari daw ba akong umuwi ng maaga dahil nagsisimula ng pumasok ang tubig sa loob ng bahay namin, natatakot sila na baka tumaas pa daw iyon dahil magbubukas ng tubig ang dam. Sabi ko sa nanay ko na hindi ako sigurado kung makakauwi ako ng maaga dahil may trabaho ako na inaasahan ng araw na iyon, kaya't sinabihan ko nalang ang nanay ko na iakyat nalang nila ang mga gamit na maaring mabasa at patayin ang main switch ng kuryente. For the record, dalawang beses ng pinasok ng baha ang bahay namin noon, ang pinakamataas na inabot ng tubig noon ay hanggang tuhod ko lang, at yung sumunod naman ay hanggang paa lang kaya medyo kampante pa ako.

Ilang minuto pa lang ang lumilipas ay bigla akong nakatanggap ng text mula naman sa aking pamangkin, sabi niya na lampas tao na daw ang tubig sa amin at sila nalang ng mama niya ang nakaligtas. Dahil mapagbiro ang aking pamangkin ay hindi ko sineryoso ang text message nya, ngunit sa isang banda ay naisip ko din na baka nga seryoso na iyon kaya kinumpirma ko sa nanay ko ang lagay nila. Mabilis na nakapag-reply sa akin ang nanay ko at doon ko lamang nalaman ang totoo, ang tinutukoy pala ng aking pamangkin na "sila lang ang nakaligtas" ay dahil wala na silang nailigtas na gamit dahil sa bilis na pag-apaw ng tubig. Nagsimula na akong mangamba, gustong gusto ko ng umuwi ng malaman ko na ganun ang nangyari sa amin, gusto ko ng ipakansel ang trabaho ko kahit hindi na sapat ang pera ko, buti na lamang at nagtext sa akin yung ate ko at sabi nya na kinansela na daw ng kliyente ang trabaho namin at sa kapit bahay nalang daw muna sila nakituloy pansamantala habang lubog ang bahay namin sa tubig baha.

Hindi ko kayang hayaan nalang ang pamilya ko sa sinapit nila at gusto ko din malaman ang lagay ng bahay namin. Alas-4 ng hapon ng medyo humina ang ulan at agad akong nagpaalam sa akin kaibigan, hindi sapat ang pera ko noon kaya't naghiram na din ako sa kanya ng kaunting pang-gastos at ng payong. Hindi ko alam ang mga nangyayari sa labas ng mga panahon na iyon, ang tanging nabalitaan ko lang ay buhol buhol na daw ang trapik sa EDSA dahil sa baha at mahihirapan daw akong makasakay. Bahala na, basta't kailangan kong makauwi, yan nalang ang tumanim sa isipan ko ng mga oras na yun.

Napakadaming tao sa kalye ng dumating ako sa EDSA, parang may nagwewelga, halos lahat ay naglalakad na lamang dahil hindi na gumagalaw ang mga sasakyan, basang basa din ng ulan ang karamihan. Nagulat ako sa nakita ko ng umakyat ako sa over pass para tumawid sa kalye, nagmistulang ilog ang parte ng EDSA malapit sa Munoz Market papuntang Balintawak, umapaw na pala ang tubig sa may tulay, napakalawak ng sinakop ng baha at hanggang bewang ang tubig nito. Pagtungtong ko sa kabilang kalye ay sinubukan ko na munang mag-antay ng bus patungong Novaliches ngunit kahit isa ay wala, nag-desisyon na akong maglakad ng kaunti, madami akong kasabay sa paglalakad, iba't ibang klase ng tao, may bata, matanda, estudyante, trabahador, babae, lalaki at kung ano ano pa. Lakad lang ako ng lakad hanggang sa marating ko ang isang tulay na nilamon na din ng rumaragasang tubig. Madaming tumatawid, kapit kamay ang mga tao, tulong tulong kahit hindi magkakakilala. Hindi ako makakauwi sa amin kung hindi ko lulusungin ang baha, kaya nilagay ko na ang mga gamit ko na nasa bulsa sa aking bag, sinuot ko ang bag ko sa aking harapan upang mahawakan ko itong mabuti at hindi mabasa, naka-short naman ako at sapatos noon kaya walang problema sa pambaba, dahan dahan akong naglakad palapit sa baha, unti unti kong nararamdaman ang malamig na tubig na kulay putik na pumapasok sa aking sapatos, tuloy pa din ang lakad, wala ng dahilan para tumigil, inisip ko nalang noon na yung mga matatanda ay kayang tumawid, mas lalo na ako. umabot na hanggang tuhod ko ang tubig, kinakapa ko nalang ang nilalakaran ko at sinusundan ang ibang tao sa aking harapan upang hindi ako mapahamak. Halos sampung minuto din ang inabot ng malampasan ko ang baha. Wala pa ding dumadating na sasakyan kaya naglakad nalang ulit ako, nagpahinga lang ako ng saglit ng may makita akong tindahan, nag-yosi nalang muna ako dun at nagtext pansamantala.

Humihina at lumalakas ang ulan, sabay pa nito ang pabugso-busong malakas na hangin, mabuti na lang at hindi nasira ang payong na dala dala ko. Nagsimula na ulit akong maglakad habang naninigarilyo, mahigit isang oras na akong naglalakad papunta sa isang alternate route na posibleng makasakay ako, ngunit ng malapit na akong dumating doon ay binulaga ako ng isang napakalawak at malalim na baha, walang tao na naglalakas loob na tumawid doon, isang bus din ang na-istranded at halos kalahati nito ay lubog sa tubig. Sumilong nalang muna ako sa gilid ng isang building kung saan madami ding tao ang nag-papahinga, may nakatabi pa nga akong mag-iina na may dalang bagong panganak na sanggol na na-istranded din. Nagsimula na akong makaramdam ng ginaw, medyo basa na din kasi ako kahit na may gamit akong payong, nagsisimula na din ang aking bewangdahil sa kakalakad at pagbitbit ng mabigat kong bag.

Kailangan kong makauwi, yun ang objective ko. Naisip ko na bumalik nalang at huwag ng isugal ang buhay ko sa malalim na baha, may isa pa kasing daan doon na patungo din sa alternate route, long way nga lang iyon. Wala ng iba pang paraan para maka-uwi, nagbaka-sakali nalang din ako na baka may dumaan doon na pwede kong masakyan. Inabot na ako ng dilim sa paglalakad, may mga ilang lugar akong nadaanan na walang kuryente, may mga tao naman na nakatambay lang at nanonood sa mga naglalakad, may mga nakita din akong mga naglalakad na nakukuha pang mag-biruan sa daan, ngunit mas madami pa din ang bakas sa mukha ang pagod. Humihinto lang ako sandali sa paglalakad kapag hinihingal na ako o kaya kapag natatanggal ang sintas ng sapatos ko. Natutuwa ako tuwing tumutunog ang cellphone ko, doon ko nalang iniisip na ay kasama pa din ako kahit sa text nalang o tawag, dahil kahit paano ay nakakalakas ng loob.

Natunton ko din ang alternate route, natuwa ako dahil madaming dumadaang sasakyan, may mga bus, dyip, taxi at FX, nag-antay lang muna ako saglit at baka sakaling makasakay ako, ngunit sa kasamaang palad ay wala pa ding masakyan kaya't minabuti pang maglakad nalang ulit ako. Unti-unti ng nababawasan ang mga kasabay kong maglakad, ang iba kasi sa kanila ay nakauwi na. Alas otso na ng gabi, hingal, pagod at nananakit na ang binti at bewang ko sa paglalakad, madami na naman dumadaan na pwedeng masakyan kaya't napagdesisyunan ko ng mag-antay nalang at makipag-unahan. Halos 30 minutos din akong nag-antay bago ako makasakay sa isang FX, mabuti nalang at may huminto mismo sa harapan ko at may bumabang pasahero. Laking ginhawa ng makaupo ako, nagkwekwentuhan ang mga pasahero tungkol sa bagyo at sa baha, narinig ko sa isa na nagsara na daw ang SM North EDSA ng maaga dahil pinasok daw ng tubig ang loob ng basement nito at nabasa daw ang mga paninda, sabi naman nung isa na lahat daw ay nagsara na ng maaga dahil nasa State of Calamity na daw ang buong Metro Manila. Naalala ko tuloy ang pamilya ko, kumusta na kaya sila? sana safe silang lahat at nakapag-hapunan na. Nakaramdam ako ng antok at dahan dahan na naka-idlip ako sa biyahe dahil sa pagod.

Naalimpungatan ako ng biglang may tumawag sa akin cellphone, yung isa ko palang kapatid na hindi na nakatira sa amin, kinumusta ako kung ano daw ang lagay namin, sinabi ko sa kanya ang lahat ng nangyari, nag-aalala din daw sya, ngunit hindi sya makakauwi dahil nasa Naga siya ng araw na iyon at martes pa siya makakabalik ng Manila. Pagkatapos kong makausap ang kapatid ko ay napansin ko na nasa ibang lugar na kami, wala pa lang madaan ang sasakyan dahil sarado pa din ang mga daan papuntang Bayan dahil sa baha, ilang minuto din kaming paikot-ikot hanggang umabot kami sa Fairview at doon nalang kami nakalampas sa trapik. Mainam na sa Fairview kami dumaan dahil mas madali para sa akin ang makauwi mula doon. Pagbaba ko sa FX ay madali naman akong nakasakay ng dyip, halos lahat pa din ng taong kasabay ko ay mga pagod, konti nalang at makakauwi na din ako. Matapos ang biyahe ko sa dyip ay dumaan muna ako sa isang convenience store upang bumili ng tinapay at inumin, naisip ko kasi na nakituloy nalang sa kapit-bahay ang pamilya ko at nakakahiya kung doon pa din ako makikikain.

Kinain ko nalang ang binili kong tinapay habang naglalakad, tumigil na din ang ulan ng mga oras na iyon, ngunit sobrang dilim sa paligid dahil walang kuryente, ang tanging ilaw lang na makikita mo ay ang ilaw na nanggagaling sa mga sasakyan at mga kandila sa loob ng bahay. Palapit na ako ng palapit sa amin, hindi ko alam kung ano ang aking aabutan. Nakasalubong ko ang isa namin kapitbahay na kapatid ng Ate ko sa INC, sabi niya na nandun daw sa bahay nila ang pamilya ko, nagpasalamat ako sa kanya at tumungo sa kanilang bahay, kinahulan ako ng aso pagdating ko sa bahay nila, tinawag ko ang Ate ko at agad naman siyang sumilip sa may bintana, nagulat siya ng makita nya ako, binuksan nya ang pinto at tumuloy na din ako sa loob ng bahay, hindi daw niya inaasahan na uuwi ako, nasilip ko sa loob ng kwarto ang aking Nanay na gising pa at pinapaypayan ang dalawang bata na mahimbing ng natutulog, inalok ako ng Ate ng pagkain ngunit sabi ko ay kape nalang at kumain na din naman ako, umupo muna kami sa harap ng hapag-kainan at ikinuwento ng Ate ko sa akin kung ano ang nangyari.

Tanghalian pa lamang ay nagsimula ng tumaas ang tubig sa harap at likod ng bahay namin, kakatapos lang daw niyang magluto ng pagkain noon, sobrang bilis daw ng pag-apaw ng tubig, silang tatlo lang ng mga bata ang nasa bahay ng mga oras na yun dahil ang Nanay ko ay umalis dahil may trabaho, Nag-uusap lang sila sa cellphone noon kaya nasabihan din ako ng aking Nanay. Nagsimula ng mag-akyat ang Ate ko ng mga gamit na maaring mabasa noong papasok na ng bahay ang tubig, buti nalang at may double deck kami na kama at doon niya pinaakyat ang dalawang bata, ang isa kong pamangkin ay 2months old pa lang at yung isa naman ay 12yrs old. Ilang minuto pa lang ay pumasok na nga ang tubig sa bahay namin, flash flood daw, sabi ng Ate ko, may tubig na nagmumula sa harap, sa likod at sa loob sahig ng bahay namin, pinatay din ng kapatid ko ang main switch ng kuryente upang hindi sila makuryente, kinabahan na ang kapatid ko ng tuloy tuloy pa din ang pag-apaw ng tubig at halos umabot na ito sa bewang niya, doon na niya naisip na lisanin na ang bahay kasama ang mga bata. Pilit daw buksan ng Ate ko ang pinto ng aming bahay ngunit hindi ito mabukas dahil sa pressure ng tubig, sumigaw siya ng saklolo sa mga kapit bahay namin dahil posible silang malunod kung hindi sila makakalabas, buti na lamang ay may nakarinig sa kanyang kapit bahay namin at sumugod ito sa bahay, sinipa niya ang pinto at agad itong bumukas, dali dali niyang binuhat ang pinakabata kong pamangkin at yung isa ko naman pamangkin ay inalalayan ng Ate ko, sinagip din ng Ate ko ang aso namin na ulo na lamang ang nakalitaw dahil nakatali ito sa mga grills ng bintana at ang ibang gamit ng baby. Sa awa ng diyos ay nakaligtas naman silang tatlo at walang nasaktan.

Matapos ikuwento ng Ate ko ang nangyari ay sinamahan niya akong puntahan ang bahay namin, nagdala nalang kami ng kandila dahil sobrang dilim ng kapaligiran. Lumulubog sa putik ang paa ko sa harap ng bahay namin at pagbukas ko ng pinto ay bigla na lamang akong nanlanta sa itsura ng bahay namin. Napakaputik sa loob ng bahay namin, nagkabalibligtad ang mga gamit at nagmistulan itong isang tambakan, mabaho din ang loob ng bahay dahil sa tubig baha, ang tanging nakaligtas nalang ay ang mga gamit na lampas sa aking leeg dahil hanggang doon umabot ang tubig. Sabi ko sa Ate ko na ayaw kong iwan ang bahay at dito nalang ako magpapalipas ng gabi, mahirap na at baka may magsamantala pa sa bahay namin at pagnakawan kami. Pagod na din ang Ate ko kaya nagpaalam na siya sa akin at bumalik na sa kapit bahay para makapagpahinga. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na maiyak, napaupo na lang ako at nilabas ang sama ng loob. Matapos akong umiyak ay nahiga nalang ako sa sofa, pinatungan ko nalang ito ng plastik para hindi ako mabasa, naki-pagusap na muna ako sa aking mahal at pagkatapos ay sinubukan ko na din makatulog.

Hanggang ngayon ay hindi pa din kami tapos sa paglilinis, madami pa din kaming damit na kailangang labhan, may basura pa din kaming hindi pa naitatapon, madami sa mga gamit namin ang hindi na napakinabangan at ang loob ng bahay namin ay sinira ng baha. Ito ang mga pangyayari sa buhay natin na wala tayong pwedeng sisihin, wala tayong rason para magalit at ang tanging magagawa na lang natin ay tanggapin ang lahat, bumangon at magsimula ulit.

Minsan iniisip ko kung bakit kailangan pang mangyari ang mga bagay na hindi kanais nais sa buhay ng isang tao, mga pangyayaring napakabigat dalhin sa dibdib. Sabi nila, may dahilan daw kung bakit nangyari yun, may maganda daw na darating sa buhay mo kaya nagkaganun. Minsan hindi ko alam kung dapat pa ba akong maniwala sa mga sabi sabi. Siguro kaya nila nasasabi yun ay bilang pampalubag loob na lang...siguro nga yun ang ibig nilang ipahiwatid.