Thursday, December 24, 2009

Kuya Pagupit

Para sa akin, hindi ganun kadali ang pagdesisyon kapag magpapagupit ng buhok, isa kasi ito sa mga iniingatan at nagpapaganda sa atin. Kapag nagupit ang buhok sa itsurang hindi mo gusto, mahirap na itong ibalik, kailangan mo na namang maghintay ng matagal na panahon para mapaayos ulit ang buhok mo, kaya hangga't hindi pa humahaba ang buhok mo ay dadalhin mo ang bago mong gupit na buhok na hindi mo gusto...hmmm o di kaya magsuot ka nalang muna ng sombrero pansamantala.

Kanina lang ay napagdesisyunan ko ng pagupitan ang buhok ko, ayaw ko pa sana dahil balak ko sanang magpahaba ng buhok. Ilang beses kong pinagisipan kung papagupitan ko ba o hindi parang nakakahinayang kasi ngunit sa barbero pa din nauwi ang lahat. Pinabawasan ko lang ang buhok ko upang kapag nilagyan ko ito ng wax ay pwede ko siyang patayuin at magkaroon ng konting porma.

Habang nagpapagupit ay naalala ko yung sinabi sa akin ng kapatid ko, huwag daw akong magpagupit sa umaga dahil kakagising lang daw ng barbero at wala pa itong ganang magupit. Huwag din daw akong magpagupit bago magtanghali dahil siguradong nagugutom na ang barbero at baka madaliin lang ang gupit. Huwag din daw sa hapon dahil inaantok daw ang barbero sa ganung oras at huwag na huwag din daw sa gabi dahil madilim na at hindi na masyadong maaninag ng barbero ang kanyang ginugupit...kung ganun eh anong oras ako dapat mag-pagupit?!

No comments: