Thursday, December 31, 2009

Happy and Prosperous 2010

Patapos na naman ang isang taon, madaming naganap sa aking buhay, may maganda at mga hindi ninanais at mayroon din mga gusto ng kalimutan. Sana sa pagpasok nitong bagong taon ay maraming magagandang bagay na dumating sa buhay ko, sana madaming magagandang pagbabago ang maganap.

Happy and Prosperous 2010 sa inyong lahat!

Thursday, December 24, 2009

Kuya Pagupit

Para sa akin, hindi ganun kadali ang pagdesisyon kapag magpapagupit ng buhok, isa kasi ito sa mga iniingatan at nagpapaganda sa atin. Kapag nagupit ang buhok sa itsurang hindi mo gusto, mahirap na itong ibalik, kailangan mo na namang maghintay ng matagal na panahon para mapaayos ulit ang buhok mo, kaya hangga't hindi pa humahaba ang buhok mo ay dadalhin mo ang bago mong gupit na buhok na hindi mo gusto...hmmm o di kaya magsuot ka nalang muna ng sombrero pansamantala.

Kanina lang ay napagdesisyunan ko ng pagupitan ang buhok ko, ayaw ko pa sana dahil balak ko sanang magpahaba ng buhok. Ilang beses kong pinagisipan kung papagupitan ko ba o hindi parang nakakahinayang kasi ngunit sa barbero pa din nauwi ang lahat. Pinabawasan ko lang ang buhok ko upang kapag nilagyan ko ito ng wax ay pwede ko siyang patayuin at magkaroon ng konting porma.

Habang nagpapagupit ay naalala ko yung sinabi sa akin ng kapatid ko, huwag daw akong magpagupit sa umaga dahil kakagising lang daw ng barbero at wala pa itong ganang magupit. Huwag din daw akong magpagupit bago magtanghali dahil siguradong nagugutom na ang barbero at baka madaliin lang ang gupit. Huwag din daw sa hapon dahil inaantok daw ang barbero sa ganung oras at huwag na huwag din daw sa gabi dahil madilim na at hindi na masyadong maaninag ng barbero ang kanyang ginugupit...kung ganun eh anong oras ako dapat mag-pagupit?!

Monday, December 21, 2009

Pampalubag loob

Ilang buwan na ang nakakalipas at hindi pa din ako tapos mag-hanap ng trabaho, marami-rami na din ang dumadating na offer sa akin from jobstreet.com at madami na din akong inaplayan ngunit iilan lang ang mga sumagot, mayroon nag-imbita ng interview at exam ngunit gaya ng dati tatawagan nalang daw nila ako after nilang malaman ang result. Noong isang linggo ay nakatanggap ako ng e-mail galing sa isang company na itago nalang natin sa pangalan "Company X" na inaplayan ko at ito ang sabi nila sa akin...

"we regret that we are unable to offer you the position, However, we assure you that your application will form part of our resume pool. Should a more applicable need arise, we will re-activate your application for review of possible consideration"

...After a few days nakatanggap ulit ako ng job offer mula sa jobstreet.com at pagka-check ko ay nakita ko ulit doon ang "Company X" at naghahanap pa din pala sila ng graphic artist...kaya sa madaling salita, yung last part ng letter nila ay malamang na pampalubag loob nalang. Iniisip ko minsan kung ako ba ang may kulang o talagang sadyang hindi para sa akin yung mga trabahong inaaplayan ko. Sinasabi ng mga kaibigan ko na mag-apply nalang daw ako ulit sa call center ngunit ayaw ko ng bumalik sa ganun nature ng trabaho, ayaw kong magsalita ng tapos pero as much as possible gusto ko ay makakuha ng trabaho na magugustuhan ko at siguradong tatagal ako.

Malapit na naman magtapos ang taon, sana by next year matanggap na ako sa mga inaaplayan ko, sana palarin na ako, kung hindi man regular job, sana isang big time break na pwedeng maging negosyo.

Sumpong

Sinusumpong na naman ako pagiging emotional, siguro dahil ilang araw nalang ay magpapasko na at wala pa din akong regalo sa mga mahal ko sa buhay, mayroon pa naman akong pambili ngunit mukhang hindi sapat para mabilhan ko silang lahat. Nakakalungkot, naluluha nalang ako. Kanina habang bumabiyahe ako pauwi ay kasabay ko ang ilang tao na may dala-dalang pinamili galing sa mall, mukhang mga pang-regalo ang dala nila at ang iba naman ay galing sa kanilang Christmas party at bitbit ang mga napanalunan sa raffle...Ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay bigla ko din naisip na hindi ako dapat malungkot o mainggit dahil may ibang tao na mas malungkot pa ang sinasapit kaysa sa akin, halimbawa nalang ay yung mga taong walang makain o matirahan, yung mga taong nasunugan, yung mga taong namatayan ng mahal sa buhay bago mag-pasko o yung mga taong nasa malayo at mag-isang nagpapasko at hindi makasama ang kanilang pamilya.

Thursday, December 10, 2009

DISKARTE LANG ANG PUHUNAN

Napakahirap sumakay ng taxi lalo na kung rush hour o di kaya ay umuulan, Kadalasang dahilan kaya mahirap sumakay ng taxi sa mga ganitong klaseng oras o panahon ay dahil napakadaming tao na gustong mag-taxi na lang kaysa sumakay ng ibang pampublikong sasakayan at kung minsan naman ay dahil ayaw magpasakay ng driver. Malamang ay narinig mo na ang mga ganitong klaseng sagot ng taxi driver tuwing gusto nilang tumanggi sa pasahero o kaya ay nag-aalangan...

"Paparada na ako eh" -paparada ka na pala eh bakit bumabiyahe ka pa?!

"ay hindi, trapik doon" -driver ka, alam mo dapat na kasama sa trabaho mo ang trapik!

"Malayo, walang pasahero doon pagbalik ko" -pati ba naman yun problema pa namin?!

...sabay magiisip at hihirit na

"OK lang ba dagdagan niyo nalang kahit 30?" -WOW! 60 ang FLAT RATE mo?!

...o di kaya ay

"Magkano ba binabayad niyo doon" -kaya nga nilagyan ng metro ang taxi...namaaan!

...at ang classic na

"ay hindi" (sabay simangot at haharurot) -sungit naman!

Nakaka-asar lalo na yung mga abusadong driver na napakahilig magpadagdag ng bayad, parang pakiramdam yata nila na lahat nalang ng nagtataxi ay madaming pera.

Ngunit isang beses, habang nakasakay sa taxi ay nakausap ko ang driver at tinanong ko kung bakit may mga ganun klaseng taxi driver, ipinaliwanag niya kung bakit, sabi niya sa akin na madami talagang taxi driver na ganun ang gawain, mayroon mga nanlalamang at abusado ngunit hindi lahat, ang iba ay talagang gumagawa lang ng diskarte, dahil bilang isang taxi driver, kailangan namin maka-quota, kung hindi kami didiskarte ay hindi kami kikita, hindi naman sa pagiging maarte ngunit dala lang din talaga ng pangangailangan. Medyo naliwanagan ako ng kaunti sa sinabi sa akin ni Manong Driver, naka-base nga kasi ang kikitain nila kung malalampasan nila ang kanilang quota kaya napipilitan silang tumanggi kung minsan.

Sa tingin mo? makatwiran nga ba?

...para sa akin, pwede na!

(kung may alam ka pang kakaibang hirit ng taxi driver kapag tumatanggi, huwag mahiya, share mo na!)