Nakakahinayang, yan ang unang salitang pumasok sa isip ko noong nakaraan biyernes ng nagpaalam sa amin ang isa naming kapamilya, mabilis ang mga pangyayari at talaga naman nakakagulat, napaka-bata pa niya para mawala dito sa mundo, hindi man lang niya naranasan ang mabuhay na isang ganap na aso. Brixie ang ipinangalan namin sa kanya, kaparehas ng pangalan ng business ng tiyahin ko sapagkat doon siya nanggaling, bukod tanging babae sa tatlo naming alagang aso, anak siya ng isang asong gala, namatay na din ang nanay nila pagkalipas ng ilang linggo matapos silang ipinanganak ng mga kapatid niya, nasagasaan ng sasakyan ang nanay nila, biro nga namin na parang nag-suicide ang nanay nila dahil sa hirap ng buhay at hinintay lang silang magkaroon ng kani-kanilang amo. Halos 4 na buwan na si Brixie sa amin, maganda ang balihibo niya at kung susuriin mong mabuti ay may halo ang kanilang lahi, medyo malalaki din kasi ang mga paa nito. Naalala ko pa ilang araw bago siya pumanaw ay naglalaro pa kami sa kalye, inalis ko siya sa pagkakatali para naman makatakbo-takbo at makapaglaro din siya sa labas kasama ng dalawa pa naming aso, isang tawag mo lang sa pangalan niya ay lalapit na siya, tinuturuan ko pa nga siya noon na mag-SIT, kaso medyo nahihirapan pa siya, isa sa kinaiinisan niya sa paglalaro namin ay kapag ginagawa kong singkit ang kanyang mga mata, ayaw na ayaw niya yun at talaga naman napapakagat siya sa inis. Dahil tuta pa lang si Brixie ay sobrang makulit ito at palaging kumakahol, ang nakakatuwa pa sa kanya ay naiihi siya sa tuwa kapag nakikita na niya ako. Sobrang takaw din niya at madalas ay ibababa ko palang ang kainan niya ay sinusungaban niya kaagad ito at palaging linis ang kanyang kainan, simot lahat ng pagkain niya. Ngunit isang araw ay biglang may hindi magandang nangyari kay Brixie, nakakakain pa naman siya ngunit hindi siya maliksi at hindi na siya madalas kumahol, naisip namin na baka may lagnat lang kaya matamlay, hanggang dumating ang araw na hindi na niya maubos ang pagkain niya, pinainom namin siya ng gamot para gumaling kaagad siya, hinilot hilot din namin ang tiyan niya dahil baka may nakain siyang hindi maganda, naisip din namin na baka nalason siya dahil nagsisimula na siyang magsuka, naaawa ako sa kanya dahil mukhang nahihirapan siya sa kanyang nararamdaman, gusto ko na sana siyang dalhin sa beterinaryo kaso wala naman akong pera ng mga panahon na iyon at tsaka wala sa isip ko na malubha ang sakit niya, habang hinihimas ko ang kanyang ulo at hinihilot ang tiyan niya ay sinabihan ko pa siya na "Gagaling ka Brixie, gagaling ka dahil uminom ka na ng gamot, mamaya lang wala na yan at maglalaro na ulit tayo...gagaling ka, lumaban ka" nilakasan ko na din ang loob ko at hindi ako nagiisip ng hindi maganda, hindi siya mamamatay at lalaki pa siya, magbubuntis pa siya at magkakaroon ng madaming tuta, aalagaan namin lahat ng anak niya at hindi ipamimigay, mararanasan pa niyang maging isang ina, tinitingnan lang niya ako ng pasulyap sulyap tuwing sasambitin ko ng pangalan niya...Iniwan ko muna si Brixie sa kanyang pagkakahiga dahil may kailangan pa din akong gawin, lampas na ng alas-dose ng tanghali ng maalala ko na hindi pa pala ako kumakain at hindi pa din pala nakakakain ang mga aso, kaya naman pagkatapos kong kumain ay hinandaan ko na sila kaagad ng kanilang tanghalian...ngunit pagbukas ko pa lang ng pinto ay napansin kong hindi na humihinga si Brixie at binawian na siya ng buhay, naiinis ako dahil hindi ko siya nadala sa beterinaryo, naiinis ako dahil kung parte sya ng pamilya namin ay dapat hindi siya napabayaan ng ganun at sana buhay pa siya ngayon, sana buhay pa si Brixie namin, sana hindi nangyari ang mga ito, ngunit huli na ang lahat, wala ng magagawa, mamimiss ka namin Brixie, mamimiss kita lalo na yung mga paglalaro natin sa kalye, mamimiss ko ang pagkamatakaw mo at mamimiss ko ang pagkahol mo, paalam munting kaibigan. Isa sa mga nakakalungkot talaga ang mamatayan ng isang alaga, kahit ano pang klaseng alaga yan, inisip ko nalang na talagang ganyan ang buhay, may dumadating at may umaalis at mayroong naiiwan. Isa na namang nakakalungkot na pangyayari ito para sa akin ngayon buwan ng enero 2009, unang buwan pa lang at ang dami dami ng nangyayari sa akin, sunod sunod na lang ang nakakalungkot na entry ko, hindi ko nilalagay sa blogs ko ang mga kwentong ito para manghingi ng awa, hindi ko isinusulat ito upang kumuha ng atensyon sa ibang tao, ginagawa ko ito upang ipamahagi sa inyo ang mga karanasan ko sa buhay at upang sabihin na sa buhay ay hindi lang palaging masaya, palaging may pagsubok, palaging may problema at hindi tayo dapat mapanghinaan ng loob, dapat hindi masyadong nagpaapekto, dapat tuloy lang ang buhay ano pa man ang makaharap mo.
No comments:
Post a Comment