Matapos ang apat na araw na pagpapahinga at pagpasok ng isang araw noong miyerkules sa nakakasukang opisina namin ay nakapag-day off ulit ako, 2 days off actually, so parang halos 6 na araw akong pahinga, sarap diba? At dahil pang-gabi ang pasok ko, gabi ko din nagagamit ang day off ko...teka dapat yata night off ang tawag dun ah!?...anyway, noong unang gabi (huwebes) ay wala naman masyadong exciting na nangyari sa akin, matapos kong manggaling sa bahay namin sa novaliches ay nagstay lang ako magdamag sa bahay sa makati at naginternet mula 12mn hanggang 5am at tsaka ako natulog ng mahimbing, nag-take ako ng sleeping pills para siguradong sagad ang tulog...Sa sumunod na araw naman (biyernes/kahapon)ay naisip ko talagang wag masayang ang araw ko, gusto kong maglamyerda, gusto kong lumabas kasama ng mga kaibigan ko, manood ng sine, kumain sa labas, uminom kung saan siguro, kahit ano basta gusto kong magsaya at magliwaliw, kaya naman pagsapit ng hapon habang wala na ang init ng araw ay naisipan ko ng ilabas ang aso ng kaibigan namin upang pataihin at paihiin sa kalye at pagkatapos nun ay nagbihis na ako upang pumunta sa megamall, dahil biyernes kahapon ay napagisip isip ko na huwag ng mag-taxi dahil siguradong terible ang trapik na naman sa EDSA at hindi nga ako nagkamali sa aking naisip. Habang nakasakay ako sa bus ay nagtext na ako sa mga kaibigan ko, tinanong ko sila kung meron bang gimik at nag-antay lang ako na may magreply sa kanila hanggang sa dumating ako sa megamall, daming tao sa megamall grabe, parang mga langgam na nagkumpol sa isang malaking tipak ng bukayo na nalaglag sa sahig, siguro dahil araw ng sahod at ang iba siguro ay nakuha na nila ang 13th month pay, daming namimili, daming kumakain, daming naglalamyerda at ang haba ng pila sa mga ATM, parang pila ng tubig sa posohan sa isang baranggay sa probinsya...hindi pa ako kumakain mula ng huwebes ng gabi kaya naman naghanap muna ako ng kakainan bago ako mag-withdraw, gusto ko sanang kumain ng kare-kare sa food court dahil naglalaway ako sa kare-kare ng mga oras na yun, kaso kadalasan hindi ganun kasarap ang kare-kare doon kaya nauwi nalang ako sa McDo, tagal ko na din hindi kumakain sa McDo at namimiss ko na ang french fries nila...Panay ang check ko sa phone ko ngunit wala pa din nagrereply kahit isa...ay meron pala kaso malabo siyang makasama dahil may pupuntahan siyang birthday party ng kaibigan niya...Di katagalan ay may nagreply pang isa sa mga tinext ko, day off nya din kaya nagtatanong siya kung saan ba ang gimik, sagot ko naman sa kanya na wala pang gimik at mag-isa lang ako sa megamall at kung gusto niya kami nalang ang lumabas at magpunta kung saan, ngunit hindi nalang daw siya lalabas at mag-stay nalang daw siya sa bahay...OK lang sabi ko. Matapos kong kumain ay nagpunta muna ako sa ATM upang mag-withdraw ng konting pang-gastos at pambili ng Rihanna & Chris Brown concert tickets (yun talaga ang rason kung bakit ako nagpunta ng mega), haba ng pila nakakainis pero wala akong magawa kundi pumila lang talaga, mukhang mabilis naman din ang takbo eh...habang nakapila ay nag-check ulit ako ng phone ngunit wala pa din ibang nagtetext, hindi ko alam kung ano ng nangyari sa mga kaibigan ko, natanggap ba nila ang text ko o talagang busy lang sila, nagsisimula na akong malungkot dahil halos 2 oras na ang nakakalipas at wala pa din kumpirmadong makakasama ko...matapos kong makakuha ng pera ay nagpunta na ako kaagad sa National Bookstore dahil may TicketWorld dun, may available pa sila tig-300+ na ticket ngunit dapat registered ka sa WATYAWANAWIN ng Globe o di kaya may resibo ka ng McDo (sayang hindi ko natabi yung resibo ko nung kumain ako) kaya naman nagregister muna ako sa WATYAWANWIN...sulit naman ang pagrehistro dahil nakabili ako ng 2 ticket worth 300+/each yung pinakamura lang, YEY!!!
Lumipas ang ilang minuto ay nagtext sa akin ang isa ko pang kaibigan at gusto niyang uminom, magkikita lang daw muna sila ng isa pa namin kaibigan, nabuhayan ako ng loob ng matanggap ko ang text na yun, sa wakas may makakasama na din ako...yosi muna ako sa labas habang nag-aantay at pagkatapos kong magyosi ay pumasok nalang ulit ako sa loob ng mall. Tumingin tingin nalang muna ako sa mga tindahan ng cellphone dahil balak kong bumili ng bago ngayon pasko kung papalarin na may matira sa pera ko, atleast may idea na ako kung ano ang mga presyo, pagkatapos nun ay nagpunta din ako sa tindahan ng mga electric appliances, tumingin din ako ng pwedeng mabili na pang-regalo, ang mamahal pero ang gaganda, nakakatuksong bumili. Teka, teka...naaaliw na ako masyado, nasaan na yung katext ko? nagtext ulit ako sa kaibigan ko para i-confirm kung tuloy ba kami at halos maluha nalang ako ng matanggap ko ang reply nya...hindi nalang daw siya makakasama dahil yung isa namin kaibigan ay may lakad ding iba...OK lang sabi ko, siguro hindi ko lang talaga araw ngayon, naiisip ko nalang na maglakad lakad sa labas upang makakuha ng sariwang hangin at pagmasdan ang bilog na buwan na nabanggit ng isa kong kaibigan sa text...Ang ganda ng hugis ng buwan ng gabing iyon, pakiramdam ko inaakit ako nito "sumama ka, lumapit ka sa akin" parang sinasambit nito...kailan ba nagsalita ang buwan diba? nababaliw na ako sa aking pag-iisa...saan ba ako pupunta? sino pa bang pwedeng makasama? wala na akong maisip hanggang sa binalak ko nalang magpunta sa makati ave. ng mag-isa, sabi ko nalang sa sarili ko na OK lang yan, nagkataon lang, wag natin sayangin ang gabing ito...Naghanap na ako ng taxi papuntang makati, hindi naman ako nahirapang makasakay, kaso yung drayber na nasakyan ko ay echosera at masyadong matanong, sabi niya...
Drayber- "gigimik ka sir?"
Ako-...Hindi...uuwi na ako...
Drayber-"Doon ka nakatira sir? sa condo ka ba nakatira?"
Ako-...Hindi, may susunduin lang ako tapos tsaka ako uuwi...(dami naman tanong nito, nakakabwisit)
Drayber- "sobrang trapik ngayon doon sa makati ave. sir, may mga ati-atihan kasi doon at tianggian, shortcut nalang tayo..."
Ako-...Sige ok lang basta makarating tayo doon.
...nakakabiwisit na natatawa nalang ako kay Manong Drayber at natuwa naman ako sa kanya kasi biglang may magandang kanta na tumugtog sa radyo at sabay kaming kumakanta...OO, Nag-Duet kami! say mo! hanggang sa makarating kami ng makati ave. grabe nga talaga ang trapik, daming sasakyan, namumula ang kulay ng kalsada dahil sa mga rear lights ng sasakyan..at laking gulat ko ng biglang tumawag sa akin yung kaibigan kong nagsabi na hindi na daw siya makakasama, tinanong nya ako kung nasaan ako, sabi ko papunta akong makati ave upang uminom mag-isa, napatingin sa akin si manong drayber matapos kong sabihin yun, siguro sabi niya sa isip niya "sabi niya may susunduin lang siya at uuwi na...sinungaling!"...sabi ng kaibigan ko na nagbago daw ang plano at susunduin nalang daw nila ako sa makati ave...WOO HOO!!! nawala ang lungkot na nadarama ko ng matanggap ko ang tawag na yun, isa na siguro yun sa pinakamagandang tawag na natanggap ko sa buong buhay ko. Sa sobrang excited ko ay muntik pa akong maka-aksidente ng nagmomotor dahil nagmamadali akong nagbukas ng pinto ng taxi at may papadaan pa lang motorsiklo, nagkagewang-gewang yung motor na halos masemplang at pagbaba ko ay hindi ko nalang tiningnan at baka mag-away lang kami, yokong masira ang gabi ko. Kaya ayun, naghintay nalang ako doon sa tapat ng A.Venue, pinanood ko nalang yung ati-atihan habang humihigop ng malamig na malamig na apple slurpee ng siete onse...medyo matagal din akong naghintay pero ok lang naman kasi siguradong may makakasama na ako at pagkalipas ng almost 30mins ay dumating na sila...YEY!!!
Apat kaming magkakasama at ang una naming ginawa ay maghanap ng makakainan, kumain na ako sabi ko pero ok lang akong kumain ulit, kaya naman nagpunta kami sa SOMS sa may Rockwell, Thai food ang sine-serve nila kaso pagdating namin doon ay pasara na ang restawran, sabi sa amin ay punta nalang kami sa SOMS Mandaluyong at siguradong bukas pa yun, dali dali kaming nagpunta kaagad sa Mandaluyong at sa awa ng diyos ay inabutan pa naman itong bukas, masarap ang pagkain nila at malalaki ang servings, sobrang busog kaming lahat. Pagkatapos nun ay nagka-ayaan kaming magpunta sa malate, hindi ko pa napupuntahan yung O-Bar at sabi ng mga kaibigan ko ay maganda nga daw doon at talagang nakakaaliw, pagdating sa malate ay naghanap kaagad kami ng parking area, araw ng biyernes yun kaya talagang sangkatutak ang mga tao sa kalye, gimik night nga talaga, 200 ang entrance sa O-bar may kasama na yung 3 beer so ok na din hindi na din lugi, siksikan sa loob grabeee! pero nakakaaliw, kasi lahat ng nandoon masaya, nagsasayawan, nagiinuman, lasing na yung iba, yung iba naman nagkwekwentuhan lang...sobrang dami ng tao sa loob kaya medyo hindi na kaya ng aircon na palamigin yung loob, kaya naisipan nalang din namin na pumuwesto nalang sa labas at doon na ipagpatuloy ang inuman, sa labas ang dami pa din mga nagiinuman, alas-3 na ng umaga kami natapos uminom at umuwi na din kami, pagdating ko sa bahay ay bagsak kaagad ako sa sofa at doon na ako nakatulog dahil sa sobrang pagod at dala na din ng alcohol.
Akala ko matatapos na ang araw ko na walang makakasama, akala ko uuwi ako ng bahay ng lasing at nagmumukmok, ngunit buti nalang hindi ganun ang nangyari, nagpapasalamat ako doon sa mga kaibigan kong nagtetext sa akin noong araw na yun at sa mga kabigan kong nakasama ko noong gabi...Maraming salamat at sa susunod ulit na paglamyerda!